Philippines triathletes hakot ng 3 golds sa SEAG

MANILA, Philippines — Tagumpay ang national triathlon team matapos walisin ang tatlong gintong medalya sa women’s, men’s at mixed relay events ng 2025 Southeast Asian Games na ginanap sa Leam Mae Phim Beach sa Rayong, Thailand.
Unang humirit ng gintong medalya ang Pinoy triathletes sa women’s relay kung saan nagsanib-puwersa sina Kira Ellis, Raven Alcoseba at Kim Mangrobang.
Tinapos ng tropa ang 300m swim, 8km bike, and 2km run course sa bilis na isang oras, 10 minuto at 14 segundo para makuha ang unang puwesto.
“It was a last-minute change in the schedule,” anang 19-anyos na si Ellis na siyang pumalit kay Erika Nicole Burgos sa women’s team relay.
Maganda ang naging taktika ng Pinay bets dahil nagbunga ang lahat ng kanilang pagsisikap para makamit ang ginto.
“I wasn’t supposed to race but then we thought, if I start for the team and Raven finishes with the team, we really have a strong chance at getting gold. It worked out. We tried to strategized and get a gap for whoever and try to lead through the entire race,” ani Ellis.
Hataw din ang men’s team na binubuo nina Matthew justine Hermosa, Inaki Emil Lorbes at Fernando Jose Casares na nagsumite ng 1:04:05 para makuha ang ginto.
Malayo ang Pinoy team ng 10 segundo mula sa silver medalist Indonesian team.
Ngunit hindi pa dito natapos ang lahat.
Nagsanib-puwersa sina Ellis, Casares, Alcoseba at Andrew Kim Remolino sa pagkopo ng gintong medalya sa mixed relay para sa matagumpay na sweep.
Nagawa ito ng Pinoy quartet sa kabila ng 10 segundong penalty na ipinataw sa tropa dahil sa transition sa swim patungong bike leg.
Tinapos ng PHL bets ang karera bitbit ang 1:30:31 — malayo ng apat na segundo sa second-placer Indonesia.
- Latest



















