Team Philippines ‘di susuko sa misyon, may 8 ginto uli
MANILA, Philippines — Pinainit ng Team Philippines ang hangaring mapaganda ang fifth place finish noong 2023 matapos kumolekta ng pitong gintong medalya sa 33rd Southeast Asian Games kahapon sa Thailand.
Tatlong ginto ang itinakbo ng mga triathletes at nagdagdag ng dalawa ang mga muay thai fighters at may tig-isa mula sa windsurfing, e-sports at pentathlon events.
Mayroon ngayong 37 golds, 53 silvers at 118 bronzes ang Pilipinas para sa fifth place, habang hinirang nang overall champion ang Thailand sa nakolektang 182 golds, 116 silvers at 76 bronzes tatlong araw bago ang pagtatapos ng biennial meet.
“Marami pa iyan. Itong last three days mabibigat mga iyan. Nandiyan ‘yung peak. Ang tingin ko diyan 15 (golds) up pa,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino.
Nagreyna sina Kira Ellis, Raven Faith Alcoseba at Kim Mangrobang sa women’s relay event ng triathlon at naghari sina Inaki Emil Lorbes, Fernando Jose Casares at Matthew Justine Hermosa sa men’s relay.
Wagi rin sina Ellis, Casares, Alcoseba at Andrew Kim Remolino sa mixed team relay para sa dominasyon ng bansa sa triathlon.
Dalawang ginto ang ambag ng muay thai mula kina Islay Erika Bomogao (women’s muay combat 45kg) at LJ Rafael Yasay (men’s muay combat 51kg).
Winalis ng SIBOL Men ang Team Malaysia, 4-0, sa finals para sa ikaapat na sunod na MLBB gold sa e-sports competition.
Nagdagdag ng ginto si Dhenver John Castillo sa kanyang panalo sa Men’s U19 IQ Foil sa windsurfing, samantalang bumida si Melvin Sacay sa men’s modern pentathlon-laser run individual event.
May tsansa pang madagdagan ang mga ginto ng Pinas sa pagpasok sa finals nina boxers Emir Felix Marcial (men’s 80kg), Aira Villegas (women’s 50kg), Jay Bryan Baricuatro (men’s -48kg) at Flint Jara (men’s -54 kg).
Nagkasya naman sa bronze medal si Weljon Mindoro sa men’s 75kg.
- Latest






















