Wong reyna pa rin sa SEAG wushu

MANILA, Philippines — Pinatunayan ni Agatha Wong na siya ang reyna ng wushu matapos masungkit ang kanyang ikaanim na gintong medalya sa 2025 Southeast Asian Games na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Nasiguro ni Wong ang gintong medalya matapos makalikom ng kabuuang 19.556 puntos sa women’s taijiquan-taijijian event na ginanap sa Multipurpose Space Second Floor Ratthaprasasanphakdi Building Government Complex.
Nagrehistro si Wong ng 9.773 puntos sa taijiquan noong Sabado at 9.783 naman sa taijijian kahapon para makuha ang unang puwesto sa naturang dibisyon.
Sa kabuuan, may anim na gintong medalya na si Wong sa SEA Games.
Nagsimula itong humakot ng ginto noong 2017 edisyon ng SEA Games sa Malaysia kung saan nakaginto ito sa taijiquan event.
Nakadalawang ginto naman ito noong 2019 SEA Games sa Maynila sa taijiquan at taijijian events habang namayagpag din ito sa 2021 Vietnam SEA Games sa Hanoi (taijijian) at sa 2023 Cambodia SEA Games sa Phnom Penh (taijiquan-taijijian).
Hindi maitago ni Wong ang saya nito matapos makuha ang minimithing tagumpay.
Nais nitong ialay ang kanyang panalo sa mga kababayan nitong sumuporta sa kanyang laban sa Thailand SEA Games.
“6th SEA Games Gold Medal of my career. For God and my country. Salamat Pilipinas,” ayon sa post ni Wong sa kanyang social media.
Pinuri ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol” Tolentino ang tagumpay ni Wong.
Umaasa si Tolentino na madaragdagan pa ang gintong medalya ng Team Philippines sa mga susunod na araw.
- Latest


















