Knights tinuhog ang NCAA Finals ticket

MANILA, Philippines — Tuluyan nang winalis ng Colegio de San Juan de Letran ang University of Perpetual Help System DALTA sa kanilang semifinals series matapos itakbo ang 74-70 panalo papasok sa NCAA Season 101 men’s basketball finals kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Tinapos ng Knights ang kanilang best-of-three semis showdown ng Altas sa 2-0 patungo sa unang finals appearance matapos ang ‘three-peat’ noong Season 96, 97 at 98.
Mula sa 0-5 panimula sa torneo ay sumasakay ngayon ang Letran sa isang five-game winning streak kasabay ng pagsibak sa Perpetual na No. 1 team sa eliminations.
“The team is blessed na nandito kami sa championship and then we’ll work on it,” sabi ni Knights coach Allen Ricardo. “Simula nu’ng elimination binalikan ko iyong mga laro nila coach Olsen (Racela), ng Perpetual, talagang pinag-aralan kong mabuti kung saan iyong point of attack nila.”
Tumipa si rookie sensation Titing Manalili ng 16 points, 14 assists at 4 rebounds para sa Letran na inagaw ang 72-70 abante sa huling 1:41 minuto ng fourth quarter.
Nauna nang hinawakan ng Perpetual ang 68-60 kalamangan sa 6:49 minuto ng final canto.
Ang dalawang free throws ni Jun Roque sa huling 3.7 segundo ang sumelyo sa panalo ng Knights kontra sa Altas.
Sa unang laro, humirit ng ‘winner-take-all’ Game Three ang St. Benilde matapos itakas ang 77-75 panalo laban sa San Beda para itabla sa 1-1 ang kanilang semis showdown.
- Latest




















