PAI, positibo sa laban ng PH aquatics squad para sa Bangkok SEAG

MANILA, Philippines — Naniniwala ang Philippine Aquatics, Inc. (PAI) na mag-uuwi ng medalya ang mga atletang isasabak nila sa 33rd Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay PAI Secretary General at swimming legend Eric Buhain, piling-pili ang delegasyon na binubuo ng mga swimmers, divers at mga koponan ng water polo at open water.
“Walang duda—ito ang pinakamahusay nating atleta sa kasalukuyan,” ani Buhain. “Nakuha nila ang kanilang mga puwesto sa pamamagitan ng pinakamahirap na pambansang tryout na naranasan nila at ginamit nating batayan ang mga oras ng bronze medal winners sa huling SEA Games.
Ipinapakita lamang nito kung gaano sila kahanda na makipagkumpitensya sa pinakamalakas sa rehiyon.”
Suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at MVP Sports Foundation ang mga miyembro ng koponan na nakabase sa ibang bansa ay nagpatuloy sa pagsasanay sa Estados Unidos at Canada.
Ang mga national divers ay sumailalim din sa pagsasanay at mga kompetisyon sa China, habang ang koponan ng water polo ng kababaihan ay kasalukuyang nasa Chengdu.
Ang koponan ng kalalakihan ay kakabalik lang mula sa isang mahigpit na pagsasanay sa Becej, Serbia, kung saan naglaro sila ng mga exhibition match laban sa ilan sa mga nangungunang koponan sa club ng bansa—salamat sa isang pakikipagtulungan na sinimulan ng Serbian coach na si Filip Stojanovic.
“Ito ay isang batang koponan, ngunit wala silang takot,” sabi ni Stojanovic. “Hindi ko magagarantiya ang isang gintong medalya, ngunit mayroon silang puso na sorpresahin ang sinuman. Anuman ang medalya na kanilang maiuwi, ipinagmamalaki ko sila.”
Personal na pinulong ni Buhain ang mga atleta pagkaraan ng kanilang pagbabalik mula sa Serbia upang tasahin ang kanilang pag-unlad at palakasin ang kanilang moral.
“Palagi kong sinasabi sa kanila: Walang pressure, ngunit lumalaban kami para sa ginto,” ani Buhain. “Dapat lagi tayong may winning mindset. Tapos na yung panahon na masaya na tayo sa experience lang.”
Higit pa sa SEA Games, ang PAI ay patuloy na umaayuda sa grassroots development at nagpapalakas sa mga coaching program nito sa buong bansa.
Mahigit 100 coaches mula sa mga club, paaralan, at iba’t ibang institusyon ang dumalo kamakailan sa National Coaches Seminar na pinangunahan ng Canadian mentor na si Michal Skrodzki, lead national at open squad coach ng Nunawading Swimming Club.
- Latest


















