Guam giba sa Gilas

MANILA, Philippines — Kinaldag ng Gilas Pilipinas ang Guam, 87-46, para sa maugong nitong unang sultada sa pagbubukas ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa University of Guam Calvo Fieldhouse.
Nahirapan pa sa simula ang Nationals, 17-17, bago umalagwa sa middle quarters tungo sa 41-puntos na tagumpay sa Group A bago ang ikalawa nilang duwelo sa Lunes sa homecourt naman ng Gilas sa Blue Eagle Gym sa Quezon City.
Kumawala ang Gilas sa second quarter, 23-12, bago sundan ito ng mas matinding ratsada sa third quarter, 24-7, upang makatabla ang Australia sa tuktok ng Group A hawak ang parehong 1-0 kartada.
Kasabay ng Gilas na nanalo ang Australia kontra sa New Zealand sa homecourt nito sa MyState Bank Arena sa Tasmania, 84-79.
Nakaiskor ang lahat ng 12 pambato ni head coach Tim Cone sa pangunguna ng naturalized player at resident PBA import na si Justin Brownlee na umariba sa 22 puntos, 2 rebounds, 2 assists at 2 steals.
Solido naman ang naging suporta sa kanya ng bagong triple tower frontcourt ng Gilas sa pangunguna ni 9-time PBA MVP June Mar Fajardo na may 8 puntos at 10 rebounds.
Nakatuwang niya si AJ Edu na may 8 puntos at 8 rebounds pati na ang bagitong tore na si Quentin Millora-Brown na may 6 puntos at 9 rebounds sa kanyang Gilas debut matapos unang manganib ang eligibility sa FIBA.
Naaprubahan ang apela ng Filipino-American ace na si Millora-Brown, dating champion center ng UP Fighting Maroons sa UAAP, at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas upang makapaglaro siya sa national team bilang local player imbes na naturalized player.
- Latest



















