Chiefs nakatakas sa Altas
MANILA, Philippines — Tinakasan ng Arellano University ang University of Perpetual Help System DALTA, 70-69, para sa back-to-back wins sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre, San Juan City.
Kumamada si T-Mc Ongotan ng 22 points, 4 rebounds at 2 assists para sa 5-6 marka ng Chiefs sa Group A na bumuhay sa tsansa nila sa top two spot na may biyayang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
“Sa akin, hindi ko na tinitingnan ‘yung twice-to-beat or ‘yung number three, tinitingnan ko ‘yung last two games namin. Nawa’y makuha namin, maipanalo namin,” ani coach Chico Manabat.
Bumulusok naman ang Altas sa kanilang ikatlong dikit na kamalasan para sa 8-4 kartada.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Perpetual, nakahugot kay Mark Gojo Cruz ng 14 points kasunod ang 13 markers ni John Abis, para makopo ang No. 1 spot sa quarterfinals bitbit ang ‘twice-to-beat’ bonus.
Samantala, lumapit ang Letran Knights (7-5) sa pagtuhog sa quarterfinals ticket nang kunin ang 82-73 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals (4-7) sa Group B.
- Latest

















