Mavs ‘di umubra sa Grizzlies

MEMPHIS, Tenn. -- Kumamada sina Ja Morant at rookie Cedric Coward ng tig-21 points sa paggabay sa Grizzlies sa 118-104 pagpapaluhod sa Dallas Mavericks sa NBA Cup.
Nagdagdag si Jaren Jackson ng 17 points para sa Memphis (4-6) habang may 16 markers si Santi Aldama sa pagpigil sa kanilang four-game losing skid.
Pinamunuan ni Max Christie ang Dallas (2-7) sa kanyang 18 points at may 16, 14 at 12 markers sina Naji Marshall, P.J. Washington at No. 1 overall pick Cooper Flagg, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkakataon na hindi naglaro si Anthony Davis para sa Mavericks dahil sa kanyang left calf strain.
Itinayo ng Grizzlies ang 74-51 bentahe sa halftime patungo sa 102-80 kalamangan sa pagtatapos ng third period para tapusin ang kanilang kamalasan.
Sa iba pang laro, panalo ang Miami Heat sa Charlotte Hornets, 126-108; dinaig ng San Antonio Spurs ang Phoenix Suns, 121-110; wagi ang Orlando Magic sa Boston Celtics, 123-110; at tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Washington Wizards, 148-114.
- Latest


















