Alas U16 lalaban para sa 5th place

AMMAN, Jordan - Winalis ng Alas Pilipinas girls ang Hong Kong, 25-20, 25-19, 25-10, para sa tsansa sa fifth place ng 2nd Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s U16 Volleyball Championship kahapon dito sa Prince Hamzah Sports Hall.
Pumalo si team captain Xyz Rayco ng 23 points mula sa 19 kills, dalawang blocks at dalawang aces para ibangon ang mga Pinay spikers mula sa five-set loss sa Thailand noong Huwebes.
Nagdagdag si middle blocker Madele Gale ng 11 points, habang nag-ambag sina Jhenica Sadia at setter Resty Jane Olaguir ng tig-anim na marka.
Lalabanan ng Alas U16 ang Thailand ngayong alas-5:30 ng hapon para sa agawan sa pang-limang puwesto sa torneo.
Tinalo ng mga Thais ang Uzbekistan, 25-9, 25-14, 25-14, para sa kanilang rematch ng mga Pinay hitters.
Binati at pinuri ni AVC at Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara ang tropa ni coach Edwin Leyva.
Kumpiyansa si Suzara sa magandang pagtatapos ng Alas U16.
- Latest





















