Green pasikat agad sa Suns

PHOENIX -- Humataw si Fil-Am guard Jalen Green ng 29 points tampok ang anim na three-point shots sa kanyang Suns debut sa kanilang 115-102 pagpapatumba sa Los Angeles Clippers.
Nagdagdag si Devin Booker ng 24 points para sa Phoenix (4-5) na nakahugot kay Grayson Allen ng 18 markers.
Hindi nakita sa aksyon si Green sa unang walong laro ng Suns dahil sa kanyang right hamstring strain.
Nakuha ng Phoenix ang Fil-Am guard mula sa Houston sa offseason sa seven-team trade na nagdala kay Kevin Durant sa Rockets.
Samantala, bagsak naman ang Los Angeles (3-5) sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan.
Hindi naglaro sina James Harden (personal reasons) at injured Kawhi Leonard (right ankle sprain).
Pinamunuan ni center Ivica Zubac ang Clippers sa kanyang 23 points at 11 rebounds.
Nag-ambag si Cam Christie ng 17 markers, habang may 13 at 12 points sina John Collins at Bogdan Bogdanovic, ayon sa pagkakasunod.
Ipinoste ng Suns ang pinakamalaki nilang kalamangan sa 104-79 mula sa 3-pointer ni Allen sa 7:53 minuto ng fourth quarter.
Masama ang inilaro ni Bradley Beal para sa Los Angeles matapos magtala ng malamyang 2-of-14 field goal shooting.
Naglaro siya ng dalawang seasons sa Phoenix.
- Latest




















