Pasig City kampeon ulit sa Batang Pinoy
MANILA, Philippines — Apat na araw matapos ang pagdaraos ng 2025 Batang Pinoy sa General Santos City ay muling hinirang na overall champion ang Pasig City sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Humakot ang mga Pasigueño ng kabuuang 95 gold, 72 silver at 87 bronze medals sa annual sports meet para sa mga batang atletang may edad 17-anyos pababa.
“Congratulations sa mga Kabataang Atletang Pasigueño! Thank you to our parents, coaches, lgu staff, deped sdo. This is an unexpected surprise,” sabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Nagmula ang karamihan ng mga medalya ng Pasig City sa gymnastics na may 51 medalya (25-17-9), jiu-jitsu na nagdagdag ng 29 medalya (6-10-13) at chess na nagsulong ng 26 medalya (10-12-4).
“Iyong programa naman namin hindi magiging sustainable if not for our City officials na naniniwala sa vision and mission namin para sa Pasig Sports,” wika ni Pasig City Special Assistant on Sports Development Leanne Alonso.
Ang overall champion ay tatanggap ng P5 million cash incentives mula sa Philippine Sports Commisison (PSC), habang P4 milyon, P3 milyon, P2 milyon at P1 milyon ang matatanggap ng magtatapos sa No. 2, 3, 4 at 5 places, ayon sa pagkakasunod.
Sumegunda ang four-time champions Baguio City sa nakolektang 91 golds, 72 silvers at 74 bronzes.
Pangatlo ang Davao City sa nasikwat na 53 ginto, 53 pilak at 68 tansong medalya kasunod ang Quezon City (45-51-57) at Manila City (43-37-32).
Ang iba pang nasa Top 10 ay ang Santa Rosa City (38-29-30), GenSan (36-43-51), Makati City (36-16-21), Cebu City (31-32-52) at Zamboanga City (27-18-15).
Kabuuang 159 Local Government Units (LGUs) ang lumahok sa 2025 Batang Pinoy sa GenSan tampok ang halos 19,000 batang atleta.
Ang Bacolod City, kung saan inilunsad ang event noong 1999, ang muling mamamahala sa Batang Pinoy sa susunod na taon.
- Latest




















