Cardinals at Blazers muling magbabardagulan
MANILA, Philippines — Muling magtutuos sa unang pagkakataon ang nagdedepensang Mapua University at College of St. Benilde sa crossover eliminations ng Season 101 men’s basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila City.
Maghaharap ang Cardinals at Blazers ngayong alas-11 ng umaga sa kanilang finals rematch.
Ito rin ang unang pagkakataon na muling maglalaro ang NCAA sa Rizal Memorial Coliseum matapos noong 2006.
Nagmula ang Cardinals sa 85-78 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals (4-5) na tumapos sa kanilang three-game losing slump.
Kumamada si Clint Escamis ng kumpletong 20 points, 4 rebounds, 4 assists at 2 steals para sa kanilang 4-4 baraha sa Group A.
Nanggaling din sa 70-67 panalo ang Blazers (5-3) laban sa Lyceum of the Philippines University Pirates.
Sa ikalawang laro sa alas-2:30 ng hapon maghaharap ang San Beda Red Lions (6-2) at Pirates (1-7).
Hangad ng San Beda na makabangon mula sa 85-88 triple overtime loss sa University of Perpetual Help System DALTA (8-1).
- Latest



















