2026 Batang Pinoy idaraos sa Bacolod City

GENERAL SANTOS CITY , Philippines — Ngayon pa lamang ay sabik na ang Bacolod City na muling hawakan ang Batang Pinoy sa ikaapat na pagkakataon.
Ang tinaguriang ‘City of Smiles’ ang susunod na mangangasiwa sa taunang sports event para sa mga batang estudyante na may edad 17-anyos pababa sa 2026.
“We are all very excited. We are thankful because Batang Pinoy ang dami na pong mga Olympians na na-produce, the likes of Hidilyn Diaz, the likes of Carlos Yulo and I am quite sure a lot more ang mapo-produce po ng Batang Pinoy,” ani Bacolod City Mayor Greg Gasataya sa isang video message sa makulay na closing ceremony noong Huwebes ng gabi sa Antonio Acharon Sports Complex.
Tumayong host ng Batang Pinoy ang Bacolod City nang ilunsad ito noong 1999 na nasundan noong 2001 at 2013.
“It is just fitting for Bacolod to host the Batang Pinoy after several years, being among the pioneers of this grassroots sports program,” ani Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio.
Nagpasalamat si Gregorio kay GenSan City Mayor Lorelie Pacquiao dahil sa matagumpay na paghawak sa 2025 Batang Pinoy na nilahukan ng 19,700 atleta mula sa 191 Local Government Units (LGUs) na sumabak sa 27 sports events.
Muling nabawi ng nagdedepensang Pasig City ang No. 1 spot sa overall medal standings sa nakolektang 38 gold, 25 silver at 29 bronze medals.
Laglag sa No. 2 ang Manila City sa nahakot na 36 golds, 31 silvers at 25 bronzes kasunod ang four-time champions Baguio City (29-21-24), Quezon City (22-22-26) at Sta. Rosa City (21-18-18).
- Latest























