Heat pinalamig ng Spurs

SAN ANTONIO— Humakot si Victor Wembanyama ng 27 points, 18 rebounds, 6 assists at 5 blocked shots para banderahan ang Spurs sa 107-101 pagpapalamig sa Miami Heat.
Ang 5-0 start ng San Antonio ang kauna-unahan sa kanilang franchise history.
Nagdagdag si Stephon Castle ng 21 points, 8 assists at 6 rebounds habang may 17 markers si Devin Vassell.
Binanderahan ni Bam Adebayo ang Miami (3-2) sa kanyang 31 points, 10 rebounds at 3 assists.
Naglaro ang Heat na wala sina injured Norman Powell (strained groin), Tyler Herro (ankle) at Kasparas Jakucionis (strained groin) at nagtapos ang three-game winning streak.
Sa Oklahoma City, bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 31 points sa 127-108 demolisyon ng nagdedepensang Thunder (6-0) sa Washington Wizards (1-4).
Nag-ambag si reserve Ajay Mitchell ng 20 points para sa Oklahoma City na nakahugot kay Isaiah Joe ng 20 markers kasama ang limang three-point shots.
Kumamada si CJ McCollum ng 19 points at may 16 markers si Bilal Coulibaly sa pagbulusok ng Washington sa ikatlong dikit na kabiguan.
Sa iba pang laro, sinuwag ng Milwaukee Bucks ang Golden State Warriors, 120-110; at dinaig ng Orlando Magic ang Charlotte Hornets, 123-107.
- Latest























