Creamline babawi sa Chery Tiggo

MANILA, Philippines — Ang pagbalikwas mula sa pagkatalo ang hangad ng nagdedepensang Creamline sa pakikipagtuos sa Chery Tiggo sa Pool B ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Maghaharap ang Cool Smashers at Crossovers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng ZUS Coffee Thunderbelles at Petro Gazz Angels sa alas-4 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon maglalaban ang Galeries Tower Highrisers at Akari Chargers.
Nakalasap ang Creamline (2-2) ng 27-25, 17-25, 20-25, 22-25 kabiguan sa ZUS Coffee (3-0) sa kanilang huling laro.
Hangad naman ng Chery Tiggo (1-3) na maduplika ang naunang 25-9, 25-16, 25-23 pananaig sa Galeries Tower (0-4).
“I think iyon ang wala nu’ng first three games namin, especially against Akari and Petro Gazz na para sa akin ay kaya naming ipanalo,” sabi ni Crossovers coach Norman Miguel.
Muling aasahan ni Miguel sina Cuban import Yuni Batista, Pauline Gaston, Ara Galang, Cess Robles, Mylene Paat at Shaya Adorador.
Sina American hitter Coco Schwan, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Pangs Panaga, Michele Gumabao at Kyle Negrito ang itatapat ng Cool Smashers.
Sa ikalawang laro, target ng ZUS Coffee ang kanilang ikaapat na panalo sa pagsagupa sa Petro Gazz na puntirya ang ikatlong dikit na pananalasa.
Magkakasunod na tinalo ng Thunderbells ang Crossovers, Highrisers at Cool Smashers para sa kanilang franchise-best start.
Haharapin ng top three teams ng Pool B ang bottom three squads ng Pool A sa isa pang single-round phase na magdedetermina sa mga puwesto para sa knockout playoffs.
- Latest

















