Mapua iiwas matalo sa EAC
MANILA, Philippines — Determinado ang nagdedepensang Mapua University na mapigilan ang tatlong dikit na kamalasan sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Lalabanan ng Cardinals ang Generals ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang upakan ng Season 100 runner-up St. Benilde Blazers at Lyceum Pirates sa alas-2:30 ng hapon.
Nangunguna ang University of Perpetual Help System DALTA sa Group A sa kanilang 7-1 kartada kasunod ang Mapua (3-4), Arellano (3-5), Lyceum (1-6) at San Sebastian (1-7).
Ang San Beda ang bumabandera sa Group B tangan ang 6-1 marka sa itaas ng Letran (5-3), St. Benilde (4-3), EAC (4-4) at Jose Rizal (4-4).
Laglag ang Cardinals sa Red Lions, 70-79, sa Knights via overtime, 82- 85, at sa Heavy Bombers, 63-66, sa huli nilang tatlong laban.
Puntirya naman ng Generals ang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang Pirates, 84-75.
Ibabandera ng Mapua sina Season 100 MVP Clint Escamis, JC Recto, Cyril Gonzales at Cyrus Nitura katapat sina Nico Quinal, Oman Omandac at Kyle Ochavo ng EAC.
- Latest
















