Elasto Painters itinakas ni Asistio
MANILA, Philippines — Hindi ito inaasahang mangyayari ng Titan Ultra.
Isinalpak ni point guard Anton Asistio ang apat na free throws sa huling 2.1 segundo para sa 112-111 paglusot ng Rain or Shine sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumalikwas ang Elasto Painters mula sa isang 17-point deficit sa third period at ilista ang ikalawang sunod na arangkada para sa 3-1 baraha.
Tumapos si Asistio na may 11 points habang bumanat si Adrian Nocum ng 24 markers kasunod ang 21 points ni Santi Santillan.
Nag-ambag si Jhonard Clarito ng 19 makrers para sa tropa ni coach Yeng Guiao.
Nalasap ng Giant Risers ang ikaapat na dikit na kamalasan para sa 1-4 marka bagama’t nakahugot kay Calvin Abueva ng 31 points kasunod ang 21 markers ni Aljun Melecio.
Mula sa 64-57 bentahe sa halftime ay pinalobo ng Titan Ultra ang kanilang kalamangan sa 85-68 matapos ang three-point shot ni Fran Yu sa third quarter.
Nakalapit ang Rain or Shine sa likod ng magkadikit na triples ni Santillan at tirada ni Clarito para sa kanilang 92-97 agwat sa 6:46 minuto ng fourth period.
Huling lumamang ang Giant Risers sa 111-108 nang ipasok ni Kobe Monje ang isang free throw sa nalalabing 4.3 segundo.
Nabigyan ni Joshua Munzon ng foul si Asistio sa four-point line sa nalalabing 2.1 segundo sa posesyon ng Elasto Painters.
Kalmadong isinalpak ni Asistio ang apat na foul shots para sa pag-eskapo ng Rain or Shine.
- Latest


















