Elasto Painters muntikan sa Bossing

MANILA, Philippines — Muntik mabalewala ang hawak na 19-point lead ng Rain or Shine matapos kunin ang 110-100 panalo sa Blackwater sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumangon ang Elasto Painters mula sa naunang 93-111 kabiguan sa San Miguel Beermen noong Linggo para itayo ang 2-1 kartada.
Kumolekta si center Keith Datu ng 20 points, 8 rebounds at 2 blocks para banderahan ang tropa ni coach Yeng Guiao habang may 17, 16 at 13 markers sina Adrian Nocum, Jhonard Clarito at Gian Mamuyac, ayon sa pagkakasunod.
Laglag ang Bossing sa ikalawang dikit na kamalasan para sa 1-2 baraha.
Kinuha ng Rain or Shine ang 14-point halftime lead patungo sa paglilista ng 19-point advantage bago naagaw ng Blackwater ang 88-85 bentahe sa gitna ng fourth quarter.
Umiskor si Nocum ng walo sa inihulog na 16-3 bomba ng Elasto Painters para muling mapasakamay ang kalamangan patungo sa kanilang panalo sa Bossing.
Binanderahan ni Richard Escoto ang Blackwater sa kanyang 20 points at may 19 markers si Jack Cruz-Dumont.
Nag-ambag si Christian David ng 18 points kasunod ang 15 markkers ni Sedrick Barefield.
- Latest



















