Malonzo target isama sa SEAG-bound Gilas squad

MANILA, Philippines — Puntirya ni Gilas Pilipinas coach Norman Black na maisama si Jamie Malonzo sa bubuuin nitong team para sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Si Black ang naatasan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na humawak sa Gilas na sasabak sa Thailand SEA Games.
Kasalukuyan namang nasa Japan si Malonzo matapos ang limang games na paglalaro nito kasama ang Kyoto Hannaryz sa Japan B.League.
Maagang tinapos ng Kyoto ang kontrata ni Malonzo. Subalit nanatili ito sa Kyoto dahil nakikipagnegosasyon ito sa kanyang lilipatang team.
Nang malaman ito ni Black, agad nitong naisip na isama sa lineup si Malonzo.
Kasado na ang lineup ni Black ngunit may bakante pa para sa isang slot na posibleng ibigay nito kay Malonzo kung magiging maayos ang lahat.
“I just heard Malonzo is available now. Obviously, I’m going to call him and try to see whether he will be interested in playing. I still have one slot available,” ani Black sa programang Power and Play.
Magiging problema lamang kung makakakuha ng bagong team si Malonzo sa Japan B.League.
Hindi pinapayagan ng mga teams sa Japan B.League at Korean Basketball League ang mga players nito na maglaro sa mga events na hindi nakapaloob sa FIBA program.
- Latest


















