Hotshots diretso sa 2-0

Malonzo inilaglag ng Kyoto sa B.League
MANILA, Philippines — Sinandigan ng Magnolia sina veterans Ian Sangalang at Mark Barroca sa fourth quarter para patumbahin ang Titan Ultra, 127-119, sa Season 50 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos ang 33-anyos na si Sangalang na may 21 points habang naglista ang 39-anyos na si Barroca ng 16 markers para sa 2-0 record ng Hotshots ni rookie coach LA Tenorio.
“It’s not about me. It’s about the players; it’s about the Magnolia team. Ako lang ang tinitingnan dito,” ani Tenorio.
Kumolekta si Zav Lucero ng 23 points at 17 rebounds para sa SMC franchise na nagmula sa 80-73 panalo sa sister team Barangay Ginebra.
Hindi naglaro si Calvin Abueva (hamstring injury) para sa Giant Risers na laglag sa 1-2 bagama’t nakahugot kay Joshua Munzon ng game-high 28 points kasunod ang 17 markers ni Ato Ular.
Mula sa 92-88 abante sa pagtatapos ng third period ay kumamada ang Magnolia ng isang 13-0 atake sa pamumuno nina Sangalang at Barroca para sa kanilang 105-88 bentahe sa 7:25 minuto ng fourth quarter.
Tuluyan nang nabaon ang Titan Ultra sa 93-110 sa huling 5:13 minuto ng laro matapos ang basket ng 6-foot-7 na si Sangalang.
Samantala, pinalakol ng Japan B.League team Kyoto Hannaryz ang kontrata ni dating Ginebra forward Jamie Malonzo matapos lamang ang limang laro.
Tumipa kasi ang 29-anyos na si Malonzo ng mahinang 1.2 points at 1.0 rebounds averages sa 1-4 record ng Hannaryz sa B.League.
Hindi kaagad makakabalik ang Fil-Am sa PBA dahil sakop siya ng isang three-year ban sa mga free agents na lumipat ng liga.
Ang kanyang opsyon ay maglaro sa ibang B.League teams o lumipat sa Korean at Taiwanese pro leagues.
- Latest






















