Lady Falcons reyna ng SSL Cebu Leg

MANDAUE CITY, Cebu — Winalis ng Adamson University ang 2025 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals Cebu Leg dito.
Ngunit ayon kay team captain at Alas Pilipinas ace Shaina Nitura, simula pa lamang ito ng paghahanda ng Lady Falcons para sa darating na UAAP Season 88.
“Siguro, iti-take namin ito para mag-improve pa kami as a team kasi hindi naman dito nagtatapos 'yung journey namin,” ani Nitura makaraang walisin ng Adamson ang Ateneo de Manila University, 25-15, 26-24, 25-14, para pagreynahan ang three-day contest noong Linggo sa Mandaue Sports Complex.
Pumalo si Nitura ng 23 points, tampok ang hinataw niyang huling anim na puntos ng Lady Falcons sa third set, para kunin ang titulo matapos ang runner-up finish noong 2023 edition sa round-robin format tournament na itinaguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
“Actually, start pa lang ito and preparation talaga namin ito for UAAP,” dagdag ng Best Player ng SSL Cebu Leg. “If mayroon pang opportunities na darating na ibibigay ni God, we're just gonna grab it and kukunin namin lahat ng experiences.”
Sinimulan ng Adamson ang kanilang kampanya sa Visayas stop ng three-leg tournament sa isang four-set win sa second-placer University of San Carlos bago walisin ang University of Southern Philippines Foundation.
Bigo ang San Marcelino-based squad na makasampa sa Final Four sa nakaraang dalawang UAAP seasons.
“So far, yes naman — unti-unti. At the same time, sabi ko nga, nasa process pa rin kami,” wika ni coach JP Yude na iginiya ang Baby Lady Falcons sa Shakey’s Girls Volleyball Invitationals League title noong 2024.
Samantala, itutuloy ang National Invitationals sa Agosto 29 para sa Batangas leg.
Sasalang ang NCAA champion College of St. Benilde, Letran, Far Eastern University at University of Batangas sa torneong suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
- Latest



















