SBP nakaabang sa SEA Games rules
MANILA, Philippines — May inisyal na lineup na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng Gilas Pilipinas na sasabak sa 2025 edisyon ng Southeast Asian Games na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Kaliwa’t kanan na ang pangalan ng mga mahuhusay na players na interesadong maglaro sa SEA Games para depensahan ang korona ng Gilas.
Subalit hindi pa makapaglabas ang SBP ng final lineup dahil hinihintay pa nito ang magiging patakaran na ipatutupad ng SEAG organizing committee.
Nakatakdang magpulong ang SEA Games organizing committee sa Agosto 27 sa Bangkok para maipinalisa ang ilalatag na rules and regulation sa biennial meet.
Nauna nang inihayag ng mga organizers na maghihigpit ito ng patakaran sa edisyong ito upang maiwasan ang nangyari sa nakalipas na SEA Games.
Isa sa mga posibleng ipatupad ang FIBA rules kung saan hindi pahihintulutan ang mga players na maglaro bilang local players hangga’t wala itong go signal ng FIBA.
Malayo ito sa naunang ipinatupad noong 2023 SEA Games sa Cambodia kung saan kailangan lamang ng passport ng kinakatawang bansa para makapaglaro.
Kung ipatutupad ang FIBA rules, makapaglalaro si Quentin Millora-Brown na nabigyan ng go-signal kamakailan para maging local player ng Gilas.
- Latest



















