Dwight excited na para kay QMB
MANILA, Philippines — Excited na si Dwight Ramos na makasama sa Gilas Pilipinas si dating University of the Philippines standout Quentin Millora-Brown.
Hindi na bago si Millora-Brown sa paningin ni Ramos.
Nakalaban na ng Gilas Pilipinas si Millora-Brown nang maglaro ito bilang import ng Macau Black Bears.
Matatandaang nagharap ang Gilas at Black Bears sa isang friendly game na ginanap sa Smart Araneta Coliseum bago tumulak ang delegasyon sa Jeddah, Saudi Arabia para sa FIBA Asia Cup.
Kaya naman may ideya na si Ramos kung paano maglaro si Millora-Brown.
Bukod pa rito, napanood na ni Ramos si Millora-Brown noong naglalaro pa ito sa Fighting Maroons sa UAAP men’s basketball tournament.
“He’s pretty skilled,” ani Ramos.
Aminado si Ramos na malaki ang maitutulong ni Millora-Brown sa kanilang tropa lalo pa’t haharap ang Gilas sa mas matinding pagsubok sa FIBA World Cup Qualifiers.
Kasama ng Gilas sa qualifiers ang powerhouse teams Australia at New Zealand gayundin ang Guam.
Yumuko ang Gilas sa parehong laban nito sa Australia at New Zealand sa FIBA Asia Cup.
Natalo ang Pinoy cagers sa New Zealand sa group stage habang tumupi din ito sa Australia sa quarterfinals.
Itinanghal na kampeon ang Australia matapos manaig sa China sa finals.
Tutulak na patungong Japan si Ramos para makasama ang Levanga Hokkaido sa paghahanda nito para sa nalalapit na pagbubukas ng bagong season ng Japan B.League.
- Latest























