Cone rumesbak sa mga kritiko

MANILA, Philippines — Bumuwelta si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa mga kritiko matapos ang masaklap na kampanya ng kanyang tropa sa FIBA Asia Cup na ginanap sa Jeddah, Saudi Arabia.
Kaliwa’t kanan ang batikos na natamo ni Cone sa social media kabilang na ang pagpagpuna sa kanyang ‘triangle offense’ na isa sa pinaka epektibo nitong armas sa kanyang bawat laban.
Ito ang gamit ni Cone para magkaroon ng 25 korona sa PBA at maging winningest coach sa liga.
“I know people are complaining and upset about our triangle system. And I just feel a couple of things. Number one, this is what I do best and what I’ve done throughout my whole career. So for me to go out and teach something that I don’t know doesn’t really make a lot of sense to me,” ani Cone.
Iginiit din ni Cone na ito ang parehong taktika na ginamit ng Gilas Pilipinas nang masungkit ng tropa ang gintong medalya sa 2023 Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Ito rin ang sistema nang pataubin ng Gilas Pilipinas ang world No. 6 Latvia, 89-80, sa FIBA Olympic Qualifying Tournament noong nakaraang taon.
“When we were beating Latvia, nobody said anything about the triangle. When we were beating New Zealand, when we won the Asian Games, nobody was saying anything about the triangle. And now, people are beating up the triangle again. It just seems to be a fad to be able to do that,” ani Cone.
Gayunpaman, walang balak si Cone na seryosohin ang mga negatibong komento.
Sa halip, nagbabasa ito ng mga komento sa social media upang malaman ang hinaing ng mga fans at makakuha ng ideya sa mga suhestiyon ng mga ito.
Aminado si Cone na hindi madali ang coaching job partikular na kung Gilas Pilipinas ang hahawakan nito.
Kaya naman nais na lamang ni Cone na isentro ang kanyang atensiyon sa pagbuo ng panibagong plano para sa susunod na laban ng Gilas Pilipinas — ang FIBA World Cup Qualifiers na aarangkada sa Nobyembre.
- Latest
























