Senior golf tour itinatag ni Pucay

MANILA, Philippines — Muling papalo ang mga senior professional golfers sa pamamagitan ng Pilipinas Senior Golf Tour Organization (PSPGTO) sa pamumuno ni multi-titled Mars Pucay.
Sinabi ni Pucay na binuo nila ang grupo para mabigyan ng tamang venue ang mga senior golfer na manatiling kompetitibo at maitaas ang antas ng kaalaman at kalidad ng mga batang players na naghahangad na matuto at humusay sa sports.
“Hindi na masyadong nabibigyan ng pansin ang seniors sa mga regular tour. And also, mahirap ng manalo ang ating mga seniors kumpara sa mga batang players, kaya napag-isipan namin na magkaroon ng sariling programa para sa seniors,” ani Pucay kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) 'Usapang Sports’ sa PSC Conference Room.
Kasama ni Pucay na dumalo sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat ang mga dati ring kampeon at PSPGTO officials na sina Mario Manubay (Chairman), Orland Sumcad (Secretary), Wendy Superal (Treasurer), Robert Pactolerin (Tournament Chairman) at Darren Evangelista (Commissioner).
Sinabi ni Manubay na bilang panimulang programa ay isasagawa ng asosasyon, sa tulong ni Manila Mayor Isko Moreno, ang isang araw na Pro- Am tournament sa Setyembre 21 sa Intramuros Golf Club.
“Open po ito sa lahat ng senior players kahit hindi pa namin member. Layunin namin talaga na mag-organize ang grupo para yung mga legit na players ang maging teaching pro sa ating golf courses. Kapag mali ang turo sa simula mali ang resulta sa players,” ani Manubay.
Batay sa format, hahatiin sa apat na classification ang torneo - 50 up, 55-up, 60-up, 65-up at ladies gamit ang Stableford scoring format.
“May kabuuang P150, 000 ang premyo natin para sa mga winners na seniors, habang 'yung mga amateur partners nila ay mga regalo ring makukuha,” wika ni Evangelista.
“Simula pa lng ito. Sa October launching na ng Tour may night Golf competition na tayo. Nagpapasalamat kami sa mga sponsors at sa mga gusto pang tumulong bukas po kami sa collaboration and partnership,” dagdag ng dating collegiate basketball player at champion swimming coach.
- Latest





















