Tanso hinataw ng Alas

Sa leg 1 ng Sea V. League
MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay muling tumapos na may bronze medal ang mga Pinay spikers sa SEA V.League.
Pinabagsak ng Alas Pilipinas ang Indonesia, 25-20, 25-20, 16-25, 25-13, sa pagsasara ng Leg 1 ng 2025 SEA V.League kahapon sa Terminal 21 Korat sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Muling bumandera sina team captain Jia De Guzman, Angel Canino, Eya Laure, Alyssa Solomon at Fifi Sharma para sa unang panalo ng Nationals sa four-nation tournament.
Nauna nang sumuko ang Alas Pilipinas sa Thailand, 25-17, 24-26, 20-25, 20-25, noong Biyernes kasunod ang 13-25, 21-25, 25-23, 9-25 kabiguan sa Vietnam noong Sabado.
Nakamit ng tropa ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito ang ikatlong sunod na bronze medal matapos sa Legs 1 at 2 ng 2024 SEA V.League.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkakataon na tinalo ng mga Pinay ang mga Indonesians simula noong 2024 AVC Challenge Cup for Women na idinaos sa Manila.
Kinuha ng Indonesia ang 13-8 abante sa first set bago naagaw ng Alas Pilipinas ang 15-14 bentahe na sinundan ng 9-5 atake nina Canino at Sharma para sa kanilang 25-20 panalo.
Sasalang ang Alas Pilipinas sa Leg 2 sa Vietnam na nakatakda sa Agosto 8 hanggang 10.
Ang paglahok sa SEA V.League ay bilang preparasyon ng Nationals sa darating na 33rd Southeast Asian Games na idaraos sa Thailand sa Disyembre.
- Latest


















