Casero iniskoran ni Ancajas
MANILA, Philippines — Bagama’t hindi niya napabagsak si Ruben Dario Casero ng Uruguay ay isa na itong hakbang ni dating world super flyweight champion Jerwin Ancajas para sa hangad na world title bid.
Tinalo ni Ancajas si Casero via majority decision sa kanilang eight-round, non-title super bantamweight fight kahapon sa Thunder Studios sa Long Beach, California.
Pinaganda ng 33-anyos na tubong Panabo, Davao del Norte ang kanyang win-loss-draw ring record sa 37-4-2 tampok ang 24 knockouts kumpara sa 13-5-0 (5 KOs) card ng 32-anyos na si Casero.
Dalawang judges ang nagbigay kay Ancajas ng parehong 80-72 sa scorecards, habang ang ikatlong judge ay nagbigay ng 76-76.
Ang mga matutulis na jabs at combinations ni Ancajas ang nagresulta sa putok sa dulo ng kaliwang mata ni Casero na halos hindi makakonekta ng solidong suntok sa Pinoy fighter sa kabuuan ng laban.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Ancajas, ang dating International Boxing Federation (IBF) super flyweight titlist, sapul nang matalo kay World Boxing Association (WBA) bantamweight king Takuma Inoue ng Japan noong Pebrero 24, 2024.
Nangako si MP Promotions president Sean Gibbons na hahanapan niya ng isang world title fight si Ancajas bago matapos ang taon.
Kasalukuyang No. 5 si Ancajas sa World Boxing Organization (WBO) list, habang No. 6 naman siya sa IBF at No. 8 sa WBA.
- Latest



















