Gilas Youth nagparamdam agad sa SEABA

MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng puwersa ang Gilas Youth matapos matikas na pataubin ang Vietnam, 99-52, sa pagsisimula ng FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginaganap sa Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Sinubukang pumalag ng Vietnam na mainit ang simula upang hablutin ang 13-4 kalamangan sa first quarter.
Subalit agad na nagising ang Gilas Youth nang ilatag nito ang 9-0 run para makuha ang 17-15 bentahe sa pagtatapos ng first quarter.
Naipagpatuloy ng Gilas Youth ang kamada nito sa second quarter matapos magtala ng 32-13 run na siyang naging matibay na sandalan nito upang makuha ang panalo.
Ito ang unang coaching job ni Gilas Youth head coach LA Tenorio.
“Halatang bagito ba? Nag-panic agad!” ani Tenorio.
Nagtala pa ng pinakamalaking kalamangan na 47 puntos ang Gilas Youth.
Nanguna para sa Pinoy squad sina Travis Pascual at Prince Carino na nagtala ng parehong 16 puntos habang kumana naman si Jolo Pascual ng 14 markers.
“Para akong varsity player uli. It was a learning process — for the boys and myself. We all will need to learn from our mistakes,” ani Tenorio.
Aminado si Tenorio na nagulat ang kanyang tropa sa mainit na simula ng Vietnam na nagsagawa pa ng scouting para makabisado ang laro ng Gilas Youth.
Ngunit malaki ang tiwala nito sa kanyang bataan.
“We didn’t know anything about them, not much scouting report. But we knew they have three very good players,” ani Tenorio.
- Latest


















