White sumisid ng gold sa Canada
MANILA, Philippines — Patuloy ang paggawa ng ingay ni Filipino-British Heather White matapos makasungkit ng isang ginto at isang tansong medalya sa 2025 Mel Zajac Jr. International Swim Meet sa Vancouver, Canada.
Sinungkit ni White ang gintong medalya sa women’s 100m freestyle sa bilis na 56.47 segundo.
Pinatumba ni White sina Canadian Olympians Emma OCroinin na nagkasya sa pilak tangan ang 56.62 segundo at Kylie Masse na nakatanso bitbit ang 56.75 segundo.
Nairehistro ni White ang 56.42 segundo sa preliminaries para maabot ang bronze standard sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
“Our Philippine National Junior Swimmer, Heather White, managed to beat two Canadian Olympians, Kylie Masse and Emma O’Croinin, in the 100m freestyle in Canada,” sabi ni Jenny White, ang proud mother ni Heather.
Maliban sa ginto, nakahirit pa ng tansong medalya si Heather sa 50m freestyle kung saan nagtala ito ng 25.96 segundo.
Si Heather ay miyembro ng Philippines’ Behrouz Elite Swimming Team (PH BEST) at ng national junior swimming team na sumabak sa iba’t ibang malalaking torneo kabilang na ang dalawang edisyon ng World Junior Championships sa Peru at Israel.
Kaya naman proud na proud ang pamunuan ng PH BEST sa tagumpay ni White na inaasahang makakakuha ng silya sa gaganapin PAI National Tryouts sa Agosto para sa 2025 Thailand SEA Games.
“We are so proud of you Heather, you are doing an amazing job. I know you are just getting started. That is just the tip of the iceberg we tapping in. Wait until they see your full on potential everybody’s gonna lock in,” ani PH BEST team manager Joan Mojdeh.
- Latest


















