Magnolia may bagong sistema
MANILA, Philippines — Bagong sistema ang pinapatakbo ngayon ni coach Chito Victolero na nagbigay sa Magnolia ng solong liderato sa Season 49 PBA Philippine Cup.
Magkakasunod na pinatumba ng Hotshots ang Blackwater Bossing, 106-84, Converge FiberXers, 83-71, at San Miguel Beermen, 98-95 (overtime), para iposte ang malinis na 3-0 record.
“Kaya sabi nga ni coach (Victolero), kailangan time management talaga, kailangan rotate ng maraming tao,” wika ni veteran point guard Mark Barroca. “Ang nangyayari, maganda, kasi lahat nakakapaglaro. Malalim ‘yung bench na ginagamit ni coach.”
Bukod kay Barroca, kailangan din yakapin nina Paul Lee, Ian Sangalang, Calvin Abueva, Rome Dela Rosa at iba pang beterano ang bagong sistema ni Victolero.
Malaki rin ang kontribusyon ng mga bagitong sina Zav Lucero at Jerom Lastimosa, ayon kay Barroca.
Sa pagtakas ng Magnolia sa San Miguel ay nagtala ang 6-foot-7 na si Lucero ng game-high 24 markers bukod sa 7 rebounds at 2 assists at may 21 markers si Lastimosa.
Hangad ng Magnolia na maitayo ang 4-0 kartada sa pagsagupa sa Phoenix (1-2) sa Abril 26 sa Zamboanga City.
- Latest


















