Pistons diniskaril ang misyon ng Knicks

DETROIT - Nagpaputok si Cade Cunningham ng 36 points para tulungan ang Pistons sa 115-106 pagpapalubog sa New York Knicks sa posibleng preview ng isang first-round matchup sa NBA playoffs.
Humakot si starting center Jalen Duren ng 18 points at 13 rebounds para sa Detroit (44-36).
Nagdagdag ng 17 at 13 markers sina Tobias Harris at rookie Ron Holland, ayon sa pagkakasunod.
Naglaro ang New York (50-30) na wala sina injured starters OG Anunoby (thumb) at Josh Hart (knee) at bigong masikwat ang No. 3 seed sa Eastern Conference.
Umiskor si All-Star guard Jalen Brunson ng 15 points para sa Knicks na nakahugot kay Karl-Anthony Towns ng 25 points.
Ang three-point play ni Dennis Schroder sa huling 54.7 segundo ng fourth quarter ang nagbigay sa Pistons ng eight-point lead patungo sa panalo.
Sa Indianapolis, nagtala si Tyrese Haliburton ng 23 points sa 114-112 paglusot ng Indiana Pacers (49-31) sa Cleveland Cavaliers (63-17).
Sa Memphis, bumira si Anthony Edwards ng 44 points sa 141-125 pagbugbog ng Minnesota Timberwolves (47-33) sa Grizzlies (47-33).
Sa Milwaukee, kumabig si Giannis Antetokounmpo ng 28 points at 11 rebounds sa 136-111 demolisyon ng Bucks (46-34) sa New Orleans Pelicans (21-59).
- Latest