Lady Knights sumosyo sa top spot
MANILA, Philippines — Nagpasiklab si Gia Marcel Maquilang matapos akbayan ang Letran sa 28-26, 25-18, 24-26, 25-17 panalo sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa SSC-R Gym.
Pumalo si Maquilang ng 20 points para sa 7-2 karta ng Lady Knights na nakisiksik sa No. 1 spot.
Kasosyo nila ang defending champion St. Benilde Lady Blazers, Perpetual Help Lady Altas at Mapua Lady Cardinals.
Bumira rin sina Sheena Vanessa Sarie at Marie Judiel Nitura ng 16 at 13 markers, ayon sa pagkakasunod.
Nanatili ang Lady Stags sa pang-anim na puwesto pasan ang 5-4 baraha.
Namuno sa opensa ng Baste si Katherine Santos na may 18 markers at nag-ambag sina Kristine Joy Dionisio, Princess Sofia Ramos at Juna May Gonzales ng 10, 9 at 7 markers, ayon sa pagkakahilera.
Hindi rin naging madali para sa Lady Knights na sibatin ang Lady Stags dahil napalaban sila nang todo sa sets 1 at 3 kung saan ay dikit lang nagkatalo.
- Latest