Flying Titans humirit pa

MANILA, Philippines — Sa wakas, nagtapos na ang kamalasan ng Choco Mucho.
Bumanat si Sisi Rondina ng 26 points mula sa 25 attacks at isang block para akayin ang Flying Titans sa 25-18, 25-22, 27-29, 25-19 pagresbak sa Akari Chargers sa Game Two ng kanilang agawan sa bronze medal sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumabla ang Choco Mucho sa 1-1 sa kanilang best-of-three series ng Akari at winakasan ang four-game losing skid matapos magposte ng isang 10-game winning streak.
“Sa wakas nanalo din kami,” ani Flying Titans coach Dante Alinsunurin. “Sobrang down talaga kami sa pagkatalo namin sa semis na alam namin na may chance kami pero hindi namin masabi dahil talagang bago kami pumunta sa semis nagkulang na naman (ng players).”
“Ang importante lang ngayon naka-recover kami, and sana magtuluy-tuloy kami sa panalo namin sa Game Three,” dagdag nito sa pagbangon nila mula sa five-set loss sa Chargers sa Game One.
Nagdagdag si Royse Tubino ng 17 markers para sa Choco Mucho at may 12 at 11 points sina Isa Molde at Cherry Nunag, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Eli Soyud ang Akari sa kanyang 16 points kasunod ang tig-15 markers nina Ivy Lacsina at Grethcel Soltones habang may 10 points si Ced Domingo.
Puwedeng masikwat ng Flying Titans ang bronze medal kontra sa Chargers kung tuluyan nang mawawalis ng Petro Gazz Angels ang nagdedepensang Creamline Cool Smashers sa Game Two ng kanilang title series kagabi.
Ito ay dahil sa four-set win ng Choco Mucho kumpara sa five-setter ng Akari.
Ang pagtabla naman ng Cool Smashers sa Gazz Angels ang magtatakda sa Game Three ng Flying Titans at Chargers bukas.
- Latest