Playoff spot sa West pinitas ng Lakers

DALLAS — Nagpasabog si Luka Doncic ng 45 points sa 112-97 paggupo ng Los Angeles Lakers sa Mavericks at ibulsa ang isang playoff spot sa Western Conference.
Tumipa rin ang Slovenian star ng 8 rebounds, 6 assists at 4 steals para sa Los Angeles (49-31) na nanatili sa third place sa Western Conference standings.
Humugot si LeBron James ng 13 sa kanyang 27 points sa fourth quarter para pigilan ang pagdikit ng Dallas (38-42) na nakakuha kay Anthony Davis ng 13 points at 11 rebounds at 23 markers kay Naji Marshall.
Matapos ang 15-2 atake ng Mavericks ay kinumpleto ni James ang kanyang three-point play kasunod ang isang layup para sa 91-87 paglayo ng Lakers sa huling pitong minuto ng fourth period.
Sa Sacramento, inilista ni Nikola Jokic ang kanyang ika-32 triple-double sa season sa hinakot na 20 points, 12 rebounds at 11 assists sa 124-116 panalo ng Denver (48-32) sa Kings (39-41) isang araw matapos sibakin si Nuggets coach Michael Malone.
Sa Orlando, umiskor si Franz Wagner ng 23 points at nag-ambag si Cole Anthony ng 18 points sa 96-76 paggupo ng Magic (40-40) sa nagdedepensang Boston Celtics (59-21) para kunin ang No. 7 spot sa Eastern Conference at ang top spot sa play-in tournament.
- Latest