76ers itinumba ng Heat

MIAMI — Umiskor si Duncan Robinson ng 12 sa kanyang 21 points sa fourth quarter habang umiskor si Tyler Herro ng 20 markers sa 117-105 pagsunog ng Heat sa Philadelphia 76ers.
Humakot si center Kel’el Ware ng 19 points at 17 rebounds para sa Miami (36-43) na nakahugot kay guard Davion Mitchell ng 12 points at 9 assists.
Hindi naglaro sina starters Bam Adebayo (back spasms), Kevin Love (personal) at Andrew Wiggins (right hamstring).
Umiskor sina Quentin Grimes at Lonnie Walker IV ng tig-29 para sa Philadelphia (23-56) na nahulog sa ika-12 sunod na kamalasan.
Nakikipag-agawan ang tropa ni Fil-Am coach Erik Spoelstra sa Chicago Bulls (36-42) para sa No. 9 spot sa Eastern Conference.
Sa Detroit, humataw si Zach LaVine ng 43 points, kabilang ang 17 sa fourth period para tulungan ang Sacramento Kings (39-40) sa 127-117 pagdaig sa Pistons (43-36).
Kumamada si DeMar DeRozan ng 37 markers para palakasin ng Sacramento ang tsansa sa first-round home game sa play-in tournament.
Pinamunuan ni Cade Cunningham ang Detroit sa kanyang 35 points.
- Latest