La Salle target ang ika-3 sunod
MANILA, Philippines — Mananatiling sina Angel Anne Canino at Shavana Nicola Laput ang paghuhugutan ng lakas ni De La Salle head coach Ramil De Jesus sa pagharap nila sa University of the East sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nasa pangalawang puwesto ang Lady Spikers tangan ang 7-3 karta, habang wala pang panalo sa 10 laro ang sibak nang Lady Warriors.
Magbabanatan ang La Salle at UE ngayong alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan ng University of Sto. Tomas at Ateneo De Manila University sa ala-1 ng hapon.
Sina Canino at Laput ang umarangkada sa Taft-based squad sa huli nilang dalawang laro kaya asahang sasandalan din nila ang kanilang momentum para makuha ang pangatlong sunod na panalo.
Maliban kina Canino at Laput, tiyak din na tutulong sina Amie Provido, Katrina Del Castillo at Alleiah Jan Malaluan.
Asahan namang gagawin lahat ng Lady Warriors para masilo ang mailap na unang panalo.
Ipaparada ng UE sina KC Cepada, Nessa Karzai Bangayan at Riza Nogales.
- Latest