Lady Altas, Lady Knights basagan
MANILA, Philippines — Nasa kukote ng University of Perpetual Help System Dalta na makabangon mula sa pagkakadapa pagharap nila sa tigasin din na Letran sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round eliminations na lalaruin sa UPHSD Gym ngayong araw.
Kaya naman inihanda ni Perpetual Help coach Sandy Rieta ang kanyang mga bataan upang tapatan ang mga kamador ng Intramuros-based squad na kasalo nila sa second spot ng team standings tangan ang tig-6-1 karta.
Magsisimula ang paluan ng Lady Altas at Lady Knights sa ala-1 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng defending champion College of Saint Benilde at Mapua University sa alas-11 ng umaga.
“After ng pagkatalo namin sa Benilde, we focus more on our practice ang floor defense and blockings bilang paghahanda sa next game namin,” ani Rieta.
Ipaparada ng UPHSD sina Shaila Omipon, Winnie Bedana Pauline Reyes, Bea Uy, rookie Jemalyn Menor, setter Fianne Ariola at liberos Marina Andal at Jodi Lozano para masungkit ang inaasam na panalo.
Pero tiyak na mahihirapan ang Lady Altas na makuha ang panalo sa Lady Knights dahil nais din ng huli na makakapit sa tuktok o manatili sa No. 2 para mapalakas ang asam na makapasok sa susunoid na phase.
- Latest