Lady Spikers nakatutok sa back-to-back wins

MANILA, Philippines — Nais panain ng De la Salle University ang back-to-back wins pagharap nila sa nagkukumahog na University of the East sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, ngayong araw.
Magsisimula ang paluan ng Lady Spikers at Lady Warriors sa ala-1 ng hapon sunod ang bakbakan sa pagitan ng Adamson University at Far Eastern University sa alas-3 ng hapon.
Tiyak na sasandalan ni DLSU head coach Ramil De Jesus si former Rookie-MVP Angel Canino para masilo ang pangalawang sunod nilang panalo.
Tangan ang 2-2 karta, kasalo ng Taft-based squad sa No. 4 ang Adamson habang solo sa tuktok ng team standings ang defending champions National University na may malinis na apat na panalo.
Nagliyab ang opensa ni Canino sa kanilang huling laro, tumikada ito ng 24 points mula sa 20 attacks at apat na blocks upang tulungan ang La Salle na payukuin ang University of the Philippines, 25-22, 24-26, 25-18, 25-17.
Makakatuwang ni Canino sa opensa sina Shevana Maria Laput, Katrina Del Castillo, Amie Provido at Mary Shane Reterta para ibaon ng todo ang Lady Warriors sa ilalim.
Bokya sa panalo sa limang laro ang UE kaya kailangan magdoble kayod sina KC Cepada at Nessa Karzai Bangayan para masilat nila ang tigasing Lady Spikers.
- Latest


















