Junior Altas sasagupa sa Braves
MANILA, Philippines — Ang pagbangon sa kabiguan ang hangad ng University of Perpetual Help System DALTA sa pagsagupa sa Arellano University sa NCAA Season 100 juniors basketball tournament sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City.
Maghaharap ang Junior Altas at ang Braves ngayong alas-4 ng hapon matapos ang laro ng nagdedepensang Letran Squires at St. Benilde-La Salle Greenhills Greenies sa alas-2 ng hapon.
Nakalasap ang Junior Altas ng 80-83 pagkatalo sa San Beda Red Cubs noong Linggo sa Emilio Aguinaldo College Gym.
Muling aasahan ng Junior Altas sina 6-foot-7 Lebron Jhames Daep, Jan Roluna, JD Pagulayan, Louie Rosales, TJ Tabuan, Jim Corpuz, Jericho Cristino, Aries Borja at Icee Callangan.
Sa pagyukod sa Red Cubs ay humakot si Daep ng 16 points, 10 rebounds, 2 assists at 2 steals para banderahan ang tropa ni coach Joph Cleopas.
Sa unang laro sa alas-8 ng umaga ay magtutuos ang Red Cubs at Mapua Red Robins.
Haharapin ng San Sebastian Staglets ang Lyceum Junior Pirates sa alas-10 ng umaga kasunod ang bakbakan ng Emilio Aguinaldo College Brigadier at Jose Rizal Light Bombers sa alas-12 ng tanghali.
- Latest