Kalabaw lang ang tumatanda para kay Maricar Camacho

Reyna sa National Milo Marathon Manila Leg
MANILA, Philippines — Muling pinatunayan ni Maricar Camacho ang kasabihang ‘kalabaw lang ang tumatanda’ matapos pagreynahan ang 2025 National MILO Marathon Manila Leg kahapon sa Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Nagsumite ang 37-anyos na si Camacho ng bilis na isang oras, 32 minuto at 16 segundo para dominahin ang women’s 21-kilometer race.
“Wala naman sa edad iyan eh, basta kaya mo pang tumakbo, laban lang,” sabi nito.
Inungusan ng Bicolana sa finish line sina Jho-An Villarma (1:43:21) at Charilyn Ayende (1:49:20) para angkinin ang premyong P10,000.
“Siyempre, para ito sa mga anak ko,” emosyunal na sabi ni Camacho. “Lahat ng premyo ko sa mga karera inilalaan ko sa mga pag-aaral nila para makatapos sila at magkaroon ng magandang buhay.”
Ang Manila Leg ay qualifying para sa 42.195-km event ng MILO Marathon National Finals sa Disyembre 7 sa Iloilo City.
“Talagang paghahandaan ko iyong National Finals kasi hindi pa talaga ako nagcha-champion doon eh,” ani Camacho na miyembro ng Takbo Kabitenyo.
Naghari naman si Ritchie Estampador sa men’s 21-km division sa tiyempong 1:10:18 kasunod sina Roy Laudit (1:15:09) at Mark Anthony Oximar (1:17:23).
Kagaya ni Camacho, swak din ang 23-anyos na fourth year student ng Bachelor of Science in Physical Education sa Mapua University sa MILO Marathon National Finals.
“Talagang ibubuhos ko lahat sa training para at least magkaroon ng chance sa National Finals, kasi mga elite runners na ang mga makakalaban ko doon eh,” sabi ng tubong La Castellana, Negros Occidental.
- Latest

















