La Salle kinapos sa UST

MANILA, Philippines — Lumabas ang bangis ng University of Sto. Tomas sa deciding fifth set upang sakmalin ang De La Salle University, 25-12, 22-25, 13-25, 25-23, 15-13 sa first round ng UAAP Season 87 women’s volleyball na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kagabi.
Sinandalan ng Golden Tigresses ang mabalasik na laro ni reigning Rookie of the Year Angge Poyos upang itarak ang pangalawang panalo sa tatlong laro.
Nahirang na Best Player of the Game si Poyos matapos nitong irehistro ang 28 points mula sa 24 attacks, tatlong blocks at isang service ace kasama ang 16 excellent digs para tulungan ang España-based squad na ipalasap sa Lady Spikers ang pangalawang talo sa tatlong salang.
Halos nasa kumunoy ang UST nang malamangan sila ng tatlong puntos ng DLSU, 4-7 sa fifth frame pero sumingasing at inilabas ang kanilang pangil upang itabla ang iskor sa 8-8.
Nagpalitan ng puntos at tabla pa rin sila sa 11-11, pero biglang kumalas ang USTE, at hinawakan ang dalawang puntos na bentahe bago itinakas ang mahirap na panalo.
Sa unang laro, dinagit ng Adamson University ang University of the East sa tatlong sets, 25-20, 25-15, 25-12 upang ilista ang pangalawang panalo.
Dominado ng Lady Falcons ang lahat ng sets kaya naman madali nilang nasikwat ang panalo para ilista ang 2-1 record.
- Latest
















