James, Lakers hiniya ang Clippers

INGLEWOOD, Calif. — Kumolekta si LeBron James ng 26 points, 9 assists at 8 rebounds sa 122-97 paggupo ng Los Angeles Lakers sa Clippers (28-22) sa larong pinanood ni Luka Doncic mula sa bench.
Hinugot ng Lakers (29-19) ang All-NBA scoring champion na si Doncic mula sa Dallas Mavericks kapalit ni big man Anthony Davis.
“There’s so many things I can learn from him, and I’m just excited to learn everything and get to play with him. It’s an amazing feeling,” ani Doncic kay James.
Nagdagdag sina Austin Reaves at Rui Hachimura ng tig-20 points para sa kanilang pang-limang panalo sa six-game trip.
Pinamunuan ni Norman Powell ang Clippers (28-22) sa kanyang 20 points at may 11 markers si Kawhi Leonard.
Sa Philadelphia, humakot si center Joel Embiid ng triple-double na 29 points, 11 rebounds at 10 assists para tulungan ang 76ers (20-29) sa 118-116 pagtakas sa Mavericks (26-25).
Sa Cleveland, naglista si Jayson Tatum ng 22 points sa 112-105 pagdaig ng nagdedepensang Boston Celtics (36-15) sa Cavaliers (40-10).
Sa Toronto, humakot si Karl-Anthony Towns ng 27 points at 20 rebounds sa 121-115 panalo ng New York Knicks (34-17) sa Raptors (16-34).
- Latest