Win No. 8 target ng Creamline

MANILA, Philippines — Ang pang-walong sunod na panalo at pag-agaw sa solong liderato ang pakay ng nagdedepensang Creamline sa pagsagupa sa Chery Tiggo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Cool Smashers ang Crossovers ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Cignal HD Spikers at Capital1 Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Naagaw ng Petro Gazz ang liderato dahil sa kanilang 20 total points bitbit ang 7-1 baraha sa itaas ng Creamline (7-0), PLDT (6-3), Cignal HD (5-3), Akari (5-4), Chery Tiggo (5-4), Choco Mucho (5-3), ZUS Coffee (4-5), Farm Fresh (4-5), Galeries Tower (1-7), Capital1 Solar Energy (1-7) at Nxled (0-8).
Huling biniktima ng Cool Smashers ang HD Spikers, 25-19, 26-24, 23-25, 23-25, 15-9, kung saan humataw si Bernadeth Pons ng game-high 27 points mula sa 24 attacks, dalawang aces at isang block bukod sa 14 excellent digs.
“Sa training kasi, nacha-challenge din talaga ako kasi sobrang competitive ng lahat. Pahirapan pumuntos, walang nagpapabagsak ng bola,” sabi ng dating beach volleyball star.
Nakalasap naman ang Crossovers ng 22-25, 22-25, 25-23, 20-25 kabiguan sa Thunderbelles sa huli nilang laro.
Bukod kay Pons, muli ring ipaparada ng Creamline sina Alyssa Valdez, Tots Carlos, Jema Galanza, Bea de Leon, Michele Gumabao at Kyle Negrito.
Ihaharap ng Chery Tiggo sina Ara Galang, Shaya Adorador, Cess Robles, Aby Maraño, Seth Rodriguez at Pauline Gaston.
- Latest