Austria, Gallent walang problema
MANILA, Philippines — Walang problema sina San Miguel Beer head coach Leo Austria at dating Beermen mentor Jorge Gallent.
Ito ang nilinaw ni Austria matapos itong ibalik sa puwesto bilang head coach ng Beermen kapalit ni Gallent.
Nanatili naman si Gallent sa coaching staff.
Mismong si Austria ay aminadong nagulat sa mga pangyayari dahil nalaman lamang nito ang balita sa Christmas Party ng SMC na ginanap sa Pasig City.
“I didn’t call him (Gallent) because I was kind of surprised,” ani Austria.
Maganda ang pagbabalik ni Austria matapos maitala ng Beermen ang impresibong 106-88 demolisyon sa Terrafirma Dyip noong Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagkausap na sina Austria at Gallent kung saan suportado ng huli ang pagbabalik ng una bilang head coach.
Kaya naman walang dapat ipangamba sa loob ng coaching staff ng Beermen dahil maayos ang samahan nito.
“(Last Friday) I called him, we had a very casual talk. And he told me, that what ‘you did to me, however you supported me, that’s what I’ll do for you also,” ni Austria.
Magarbo ang rekord ni Austria sa kampo ng Beermen.
Siyam na korona ang ibinigay nito sa SMB sa liga.
Mula sa pagiging head coach, inilagay si Austria bilang team consultant noong nakaraang taon.
Nagsimula naman bilang head coach si Gallent sa PBA Governors’ Cup bago muling ibinalik si Austria sa trono.
- Latest