Catera sumira ng record; Pasig City nangunguna sa BP
PUERTO PRINCESA, Philippines —Lumundag ng bagong record si high jumper Franklin Catera ng Iloilo City, habang nagsimula nang humataw ang Pasig City sa overall medal race sa 16th Batang Pinoy National Championships kahapon dito sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex.
Nagposte ang 16-anyos na si Catera ng bagong Batang Pinoy mark na 1.98-meters para angkinin ang gold medal sa boys’ under-18 high jump event ng athletics
“Ginawa ko lang po iyong best ko para ma-break iyong record,” sabi ng estudyante ng Tigbauan National High School sa pagbasag niya sa 1.94m record ni Brandon Bryle Zarzuela ng Tarlac noong 2023.
Nauna na siyang nagsumite ng 1.96m para sa ginto sa 2024 Palarong Pambansa sa Cebu City.
Bumasag din ng BP record si Albert Jose Amaro II ng Naga City sa boys’ 16-17 50m freestyle sa kanyang bagong 24.32 para ibasura ang sariling 2023 mark na 24.53.
Samantala, kumolekta ang mga Pasig City athletes ng 36 golds, 19 silvers at 30 bronzes para iwanan ang Quezon City (19-17-25), four-time champions Baguio City (18-22-21), Santa Rosa City (14-11-4), Davao City (13-10-7) at Muntinlupa City (12-5-6).
Bumandera sa mga Pasigueño si gymnast Haylee Garcia na humakot ng limang gintong medalya sa FIG Senior Women’s Artistic Gymnastics.
May tatlong ginto si swimmer Arvin Naeem Taguinota II mula sa boys’ 12-13 200 LC backstroke, 200 LC Meter IM at 100 LC Meter freestyle.
- Latest