Rubilen target ang ika-2 titulo
MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni world champion Rubilen Amit sa tangka nitong maibalik sa Pilipinas ang korona ng prestihiyosong WPA Women’s 10-Ball Championships.
Idaraos ang world meet sa Nobyembre 11 hanggang 16 sa San Juan, Puerto Rico kung saan sasabak ang 48 matitikas na cue masters mula sa iba’t ibang bansa.
Nakalaan ang tumataginting na $175,000 papremyo.
Nauna nang nasungkit ni Amit ang korona sa WPA Women’s World 9-Ball Championship na ginanap sa New Zealand kamakailan.
Kaya naman handa si Amit na ibuhos ang lahat upang makuha ang kampeonato.
Sanay na si Amit sa 10-ball event dahil dalawang beses na itong naging world champion.
Napasakamay ni Amit ang korona sa WPA Women’s World 10-Ball Championship noong 2009 nang talunin nito si Liu Hsin-Mei ng Chinese-Taipei sa finals at noong 2013 WPA Women’s World 10-Ball Championship kung saan pinataob naman nito si Kelly Fisher ng Great Britain.
Sa kabuuan, may tatlong korona na ang Pilipinas sa WPA Women’s World 10-Ball Championship.
Maliban sa dalawang titulo ni Amit, nasikwat ni Chezka Centeno ang kampeonato noong nakaraang taon matapos patumbahin si Han Yu ng China sa finals.
Sariwa pa si Amit sa third-place finish sa 2024 WPA 9-Ball China Open sa Shanghai.
- Latest