Pinoy keglers nagbulsa ng 2 tiket sa world tilt
MANILA, Philippines — Matagumpay na tinapos ng Philippine national team ang kampanya sa Asian Tenpin Bowling Championships sa Bangkok, Thailand.
Nagpagulong ang mga Pinoy keglers ng isang silver at kinopo ang dalawang tiket para sa 2025 World Championships.
Sumegunda si Marian Lara Posadas sa women’s singles event mula sa pinagulong na 1,353 pinfalls sa ilalim ni gold medalist Daphne Tan (1,382 pinfalls) ng Singapore kasunod si Baek Seung Ja (1,340 pinfalls) ng South Korea.
Nauna rito, pinamunuan ni Posadas ang national team sa Squad 4 ng mga lady pintopplers nang tumersera si Marie Alexis Sy (1,249 pinfalls).
Pero sa pangkalahatang karera para sa podium, kinapos si Sy dahil hanggang pang-13 puwesto lang ang inabot niya.
Samantala, pumang-walo ang mga Pinoy keglers sa naitalang 24,057 pinfalls para makuha ang isa sa siyam na mga upuan sa 2025 World Championships.
Hindi rin nagpabaya ang Pinay bowlers nang pumang-lima sila sa naikamadang 23,369 pinfalls.
Naging susi ito upang makapasok din sila sa listahan ng mga puwedeng magpagulong ng bola sa pangkat ng mga kababaihan sa 2025 world tilt.
- Latest