Alas Men bigo sa Indonesia
MANILA, Philippines — Bigo ang Alas Pilipinas na maiposte ang ikalawang sunod na panalo sa Leg 1 ng 2024 Southeast Asian Men’s V.League matapos yumukod sa two-time champion Indonesia, 25-23, 19-25, 11-25, 21-25, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nauna nang humataw ang mga Pinoy spikers ng 25-21, 25-22, 18-25, 25-23 panalo sa Vietnam noong Biyernes.
May 1-1 record ngayon ang mga Pinoy spikers kagaya ng mga Indonesians sa four-nation, three-day meet na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pamumuno ni president Ramon “Tats” Suzara.
Nakatakdang harapin ng Alas Pilipinas ang Thailand ngayong alas-6 ng gabi.
Samantala, hinataw ng Thailand ang 2-0 kartada matapos ang 27-25, 29-27, 25-15 paggupo sa Vietnam para sa tsansa sa gold medal.
Muling bumandera sina Bhinijdee Napadet, Nilsawai Kissada at Thungkham Chaiwat para sa mga Thais na unang binugbog ang mga Indonesians via straight set noong Biyernes.
- Latest