Mojdeh pasok sa Finals sa ASG
MANILA, Philippines — Pasok sa finals si World Juniors Championships Micaela Jasmine Mojdeh sa girls’ 100m butterfly event sa 13th ASEAN Schools Games na ginaganap sa Da Nang, Vietnam.
Nagrehistro ang Brent International School-Manila standout na si Mojdeh ng isang minuto at 4.73 segundo para masiguro ang tiket sa eight-swimmer finals.
Ito ang parehong event kung saan nakasungkit ito ng tansong medalya noong 2019 edisyon ng Asean Schools Games na ginanap sa Semarang, Indonesia.
Inaasahang ilalabas ni Mojdeh ang buong lakas nito sa finals para makahirit ng medalya sa naturang multi-sporting event.
“I need to rest to make sure that I have all the power needed for the finals because it’s gonna be different in the finals. It’s going to be hard but I’ll do my best to make it to the podium,” ani Mojdeh.
Makakasagupa ni Mojdeh sa finals sina Loe Hajaru at Kertsriphan Thitiphon ng Thailand, Nurma Bliqish at Kartina Lilly Beales ng Indonesia, Hien Nguyen Thuy ng Vietnam, at Kai Cheng Morgan ng Malaysia.
Nakatakda ang finals Martes ng gabi.
Sasabak pa sa dalawang events si Mojdeh ngayon--sa 200m Individual Medley at 200m butterfly-- kung saan hangad din nitong makahirit ng medalya.
Umabante rin sa finals ng kani-kanyang events sina Paulo Miguel Labanon ng Mapua-Mindanao at Joaquin Taguinod ng Santiago City National High School-Isabela.
Humirit ng silya sa finals si Labanon sa boys’ 200m freestyle matapos magtala ng isang minuto at 59.36 segundo sa preliminary round habang nagrehistro naman si Taguinod ng 1: 6.87 segundo sa morning heats ng boys’ 100m breaststroke.
- Latest