Northport, Terrafirma patayan sa no. 8 spot

Muling pamumunuan ni Stephen Holt ang Terrafirma kontra sa NorthPort sa playoff match.

MANILA, Philippines — Ang isa sa NorthPort at Terrafirma ang kukumpleto sa eight-team quarterfinals cast ng Season 48 PBA Philippine Cup.

May parehong 5-6 kartada, pag-aagawan ng Batang Pier at Dyip ang No. 8 spot sa kanilang duwelo ngayong alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Ang mananalo sa pagitan ng NorthPort at Terrafirma ang sasagupa sa No. 1 San Miguel na may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals habang ang matatalo ang sasama sa Blackater, Phoenix at Converge sa bakasyon.

Magsisimula ang quarterfinals sa Biyernes kung saan aabante sa best-of-seven semifinals series ang apat na mananalo.

Nagmula ang Batang Pier sa 115-113 pagtakas sa Bossing, samantalang yumukod ang Dyip sa Magnolia Hotshots, 100-108, sa kanilang mga huling laro.

Nilusutan ng Terrafirma ang NorthPort, 110-108, sa una nilang pagtutuos kung saan ipinasok ni Stephen Holt ang isang go-ahead layup kasunod ang game-saving defensive stop sa huling 3.1 segundo.

Bukod sa Beermen, may ‘twice-to-beat’ bonus din ang Ginebra Gin Kings bilang No. 2 katapat ang No. 7 Magnolia Hotshots para sa kanilang ‘Manila Clasico’ sa quarterfinals.

Sa iba pang quarterfinals match up, haharapin ng No. 4 TNT ang No. 5 Rain or Shine at sasagupain ng No. 3 Meralco ang No. 6 NLEX sa parehong best-of-three series.

Show comments